Sunday, February 28, 2010

Wanted: Peaceful elections

G-SPAT
Grace Bandoy

(Here is a contributed column by somebody who wants to identify himself only as JC)

Sa darating na eleksiyon ngayong Mayo, taong kasalukuyan ay gagamit ang bawat Pilipino ng makabagong pamamaraan ng pagboto. Ipinatupad ito ng Commission on Election upang maiwasan ang anumang anomalya at para na rin mapabilis ang pagproseso at pagbilang ng ating mga boto. Ang bagong sistemang ito na hawak ng Smartmatic Corp. – Total Information Management (Smartmatic TIM) ay nagsasagawa ng mga preparasyon upang tiyakin na magiging maayos ang gagawing halalan ngayong taon lalo na sa mga probinsya dito sa Pilipinas.

Ngunit sa kasamaang palad, may mga ibang malalayong lugar ang halos hindi na narating ng nasabing grupo dahil sa pagpigil sa kanila ng mga NPA (New People’s Army). Tinatakot ng armadong grupo ang mga surbeyor sa pamamagitan ng pagtutok sa kanila ng matataas na kalibreng baril.Haharangin ng mga NPA ang mga kawawang sibilyan hanggang sa sila ay pumayag sa isang kasunduan na kung saan ang mga rebeldeng sundalong ito ay humihingi ng kabayaran. Nakakalungkot isipin na ang mga sibilyang ito ay nagsasakripisyong malayo sa pamilya at malalagay pa sa panganib ang buhay.

Mahirap unawain ang ipinaglalabang ideyolohiya ng mga NPA kung ito naman ay nagnanais na hindi umunlad ang sistema ng ating halalan. Inaalis nila ang pagkakataong makaiwas tayo sa mga mandarayang politiko.

Hindi ko rin maintindihan ang dahilan ng mga taong patuloy pa ring sumusunod sa uri ng pamumuhay ng mga NPA. Ano ba ang nakita ng mga ito sa kanila? Madahas ang uri ng pamamalakad ng armadong grupong ito pero bakit mayroon pa rin sumusunod sa kanila. Ang ipinapatupad lamang nila ay ang mga dinidikta ng kanilang pinuno at hindi ang nakabubuti sa mas nakararami. Hindi ba’t kasamaan, takot at walang saysay na pagsasakripisyo at pagpanaw ng mga mahal sa buhay ang dulot ng pag-anib sa grupong ito? Yan ba ang landas na gusto nating tahakin?

Maaari bang magtulong-tulong na lang tayong lahat para mas mapadali ang pag-unlad ng ating bansa? Tulungan nating magbagong buhay ang mga kapatid nating NPA. Tulungan natin silang buksan ang kanilang mga mata. Ipakita natin na hindi karahasan ang solusyon sa problema ng bansa. Tapusin na natin ang dahilan ng takot ng mga tao. Tapusin na natin ang digmaang ito.

No comments:

Post a Comment